ANG PAGHAHANDOG NG DOST NG MEMENTO NG ACTA AGOSTO UNO SA LUNGSOD NG BACOOR
By: Ceazar Andrei V. Mendoza
Technology Transfer, Information, and Promotion Staff
Nakiisa ang DOST Philippines sa pagdiriwang ng ika-126 na Anibersaryo ng Pagpupulong sa Bacoor at ang Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas sa Bahay na Tisa ng Pamilya Cuenca noong ika-1 ng Agosto.
Ang programa ay nagkaroon ng tatlong bahagi: Ang Pag-aalay ng Bulaklak sa mga Panandang Pangkasaysayan, Pagpupugay sa Labing-anim na Lalawigang Nagpulong sa Bacoor, at ang Pagtatanghal sa Acta de La Indepedencia, at ang Palatuntunan kasama ang mga panauhin.
Bahagi ng palatuntunan ang paghahandog ng DOST ng memento ng Acta Agosto Uno sa Lungsod ng Bacoor, sa pangunguna ni Dr. Julius L. Leaño, Jr., ang Direktor IV ng DOST-PTRI. Bilang simbolo ng pag-alala sa Acta Agosto Uno, nag-alay ang DOST ng mementong nakalimbag sa telang nanggaling sa hibla ng pinya mula sa Tagaytay, Cavite. Sa pamamagitan ng silk-screen printing, gumamit ito ng tintang nanggaling sa natural na pangkulay na hango sa mga sapal ng kape mula sa Amadeo, Cavite. Ang teksto ay hango sa orihinal na Acta Agosto Uno na nilagdaan ni Presidente Emilio Aguinaldo.
Ang programang ito ay inihandog ng Pamahalaang Panlungsod ng Bacoor, sa pakikipagtulungan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at ng mga inapo ni Don Juan Cuenca. Pinangunahan ito nina Kgg. Lani M. Revilla, ang Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Cavite, at Kgg. Rowena Bautista-Mendiola, ang Pangalawang Punong Lungsod ng Bacoor.
Kaunting Kaalaman:
Noong ika-1 ng Agosto 1898, nagpulong ang tinatayang dalawang daang (200) inihalal na Presidente Municipal ng iba’t ibang lalawigan upang manumpa sa katungkulan at talakayin ang kasarinlan ng Pilipinas sa Bacoor, Cavite. Dito ipinagtibay ang katapatan sa pamamahala at sa kasarinlan ng Pilipinas.